Friday, March 3, 2017

Edukasyon: Ang Solusyon


                Sa tuwing nagbabasa ako ng akdang El Filibusterismo, para akong nagbabasa ng aklat sa kasaysayan na minsan ay parang talaarawan ko na rin. Ito ay dahil ang akdang ito na isinulat ni Dr. Jose Rizal ay sumasalamin sa mga katotohanang nagaganap sa ating lipunan mula noon hanggang ngayon. Hindi ko lubos maisip na sa hinaba-haba man ng panahon na lumipas at sa dinami-dami na ng mga administrasyong dumaan, hindi pa rin nagbabago at hindi pa rin naglalaho ang mga problemang hinaharap ng ating bansa. Nagpapatunay lamang ito sa mga masasamang katotohanan tungkol sa ating bansa at pamahalaan na isinaad ni Jose Rizal sa kanyang akda. Sa bawat pangyayaring aking binasa, ako ay napapatango sa pagsang-ayon; sa tuwing may nababalitaan ako sa telebisyon at radyo, likas na sa akin ang maalala at magnilay-nilay tungkol sa mga isinulat ni Rizal sa kanyang akda; at sa tuwing binabasa ko nang paulit-ulit ang kabanata XIII na pinamagatang Ang Klase sa Pisika, hindi ko maipaliwanang ang konkretong dahilan kung bakit parang may mga taong biglang nagkakatawang-tao muli sa aking isip na parang may nagsasalamin sa kanila sa akdang nabanggit. Sa tuwing naaalala ko ang kabanata XIII, masasabi ko na kilala ko ang mga tauhan sa akda. Sa tuwing binabasa ko ang kabanatang ito, parang alam na alam ko ang pakiramdam ng iilan sa mga tauhan na parang sila at ako ay nakatindig sa iisang katayuan. Nararamdaman ko na kami ay biktima ng iisang baluktot na sistema – na para bang kami ay iisa.

                Sa kabanata XIII, nakilala ko si Padre Millon. Siya ay isang guro sa nakapagtapos ng Pilosopiya at Teolohiya na nagtuturo ng Kemika at Pisika na parehong mga agham na nangangailangan ng praktikal na pagtuturo, hindi kagaya ng kanyang mga natapos na nakatuon sa mga ideolohiya. Hindi rin siya naniniwala sa kanyang mga nababasa sa libro ng Siyensiya at tinuturo niya ito sa pamamaraang angkop sa Pilosopiya at hindi sa Siyensiya. May mga kagamitan din ngunit hindi nila ito ginagamit at inakala pa nga ng mga mag-aaral na hindi ito para sa kanila. Dahil sa hindi nila ginagamit ang mga kagamitan, nagsesermon lamang si Padre Millon at hindi ito isang epektibong paraan ng pagtuturo ng Siyensiya dahil ang paraang ito ay para sa Pilosopiya. Si Padre Millon ay isang konkretong halimbawa ng iilan sa mga guro at ng sistema ng mga paaralan. Maraming paaralan ang kompleto sa bilang ng mga guro ngunit kung susuriing mabuti, ang mga gurong ito ay hindi man lamang kwalipikado upang magturo ng agham na sa kasalukuyan ay tinuturo nila. May mga guro rin na matalino nga ngunit ang problema ay hindi angkop sa asignaturang kanilang itinuturo ang kanilang pamamaraan at hindi sila marunong magbahagi ng kanilang mga kaalaman kaya nagreresulta ito sa hindi kanais-nais na sitwasyon kung saan hindi buo ang natututunan ng mga mag-aaral. Kadalasan ay may mga kagamitan din ang mga paaralan na para sa mga mata lamang ng mga mag-aaral at pampabilib sa mga tagatasa upang magkaroon ng magandang reputasyon ang paaralan.

                Maliban sa problema sa sistema, may mga problema rin sa pagdala ng mga guro sa klase. Kagaya ni Padre Millon, may mga gurong walang pasensya sa kanyang mga mag-aaral na natututo pa lamang. Isang halimbawa nito ay ang mga gurong nagagalit sa tuwing may tanong ang isang mag-aaral tungkol sa kanyang tinatalakay. May mga guro rin na pinapasaulo lamang sa mga estudyante kung anuman ang nakikita sa libro na hindi niya mang lang tinalakay. Hindi nila naiinintindihan na kung importante man ang mga terminolohiya ay mas importanteng maintindihan ng mga estudyante ang mga proseso at mekanismo ukol dito dahil dito nila matututunang gamitin ang kanilang mga natutunan sa totoong buhay at mundong kanilang ginagalawan. Taliwas man sa patakaran ng mga paaralan, may mga guro pa ring gumagamit ng mga masasamang salita na hindi sana nararapat dahil sila ang huwaran ng mga mag-aaral at kung ang masamang asal nila ang nakikita ng mga mag-aaral, may napakalaking posibilidad na iyon rin ang aasalin ng mga estudyante. Dapat nilang malaman na sila ang huwaran ng mga kabataan. Kung ano ang itinuturo nila, iyon ang tatatak sa mga mag-aaral at kung ano ang aasalin nila, iyong din ang makakasanayan ng mga mag-aaral.

               Hindi naman pwede na ang lahat ay ibibintang na lamang sa mga guro at sistema ng mga paaralan dahil may iba ring salik kung bakit mahina ang edukasyon sa Pilipinas at ang mga salik na ito ay ang mga sumusunod: pamahalaan, mga magulang, at mga mag-aaral. May mga mag-aaral talaga na sadyang tamad at hindi alam ang importante at dapat unahin sa buhay. May mga magulang din na sadyang hindi tinutuunan ng pansin ang pag-aaral ng kanilang mga anak at may iba ring mga magulang na hindi man lang sinusuportahan ang kanilang mga anak. Sa kabila ng mga ito, ang pamahalaan pa rin ang may pinakamalaking pananagutan sa problema ng edukasyon sa ating bansa. Ang mga guro ay nagtratrabaho lagpas sa oras na dapat silang magtrabaho at sila mismo ay gumagawa ng mga nakapupuyat na mga gawain para lamang matuto ang kanilang mga mag-aaral ngunit ang sahod nila ay hindi man lang sapat upang mabawi at mapawi ang lahat ng pagod at oras na kanilang iginugol sa pagtuturo. Ang mga mahihirap ay wala man lang daan patungo sa kalidad na edukasyon. Ito ay suportado ng isang pag-aaral na nagsasaad na kadalasan ng mga mag-aaral sa kolehiyo ay nagmumula sa mga pamilyang maayos ang kalagayan sa lipunan. Ang ating bansa rin ay isa sa mga bansang may pinakamaliit na pondo para sa edukasyon sa lahat ng mga bansang kasali sa ASEAN. Mababa rin ang kalidad ng edukasyon sa bansa kung kaya’y marami sa mga nakapagtapos ang hindi nagtratrabaho ayon sa kursong kanilang natapos o kaya’y wala pa ring trabaho kahit na sila ay nakapagtapos ng kolehiyo.

                Hindi maaari na tayo ay pumikit at magbingi-bingihan sa mga problemang ito. Ang mga problemang ito ay dapat nang masolusyunan upang hindi maapektohan ang susunod na henerasyon. Ang punto ni Rizal sa kabanata XIII ay dapat limitado lamang ang mga studyante sa isang klase nang sa ganoon ay matutuunan ng guro ng pansin ang progreso ng bawat mag-aaral upang lahat ay matututo nang maayos at walang maiiwan sa klase. Hindi katulad ni Padre Millon, ang mga guro ay dapat maintindihin at mapasensya sa kanyang mga mag-aaral na natututo pa lamang; dapat maingat sila sa mga salitang kanilang binibitawan; dapat angkop sa asignatura at kaalaman ng mga mag-aaral ang kanilang pamamaraan ng pagtuturo; at ang pinakaimportante sa lahat, dapat sapat ang kanilang kaalaman tungkol sa kanilang tinuturo.


                Habang ganito pa ang sistema ng edukasyon sa Pilipinas, hindi tayo dapat tumigil sa pagsasagawa ng mga paraan upang ito ay mapabuti. Gawin natin ang dapat at pwede nating gawin hanggang sa ating makakakaya kagaya ng pagmumungkahi at pag-aaral nang mabuti. Kagaya ni Basilio, malalampasan din natin ang lahat kung tayo ay matiyaga at determinado. Dapat nating itatak sa ating mga isip na ang kaalaman ang magliligtas sa ating bayan at ang daan patungo sa kaalamang ito ay ang edukasyon dahil ayon kay Nelson Mandela (2003), ang edukasyon ang pinakamakapangyarihang sandatang magagamit upang baguhin ang mundo.

No comments:

Post a Comment